MANILA, Philippines - Isinusulong sa Kamara ang pagtuturo sa mga eskwelahan sa paglaban sa graft and corruption.
Sa inihaing House Bill 6609 o Anti-graft and Corrupt Practices Information and Education Act of 2012 ng CIBAC Partylist Reps. Sherwin Tugna at Cinchona Cruz-Gonzales, hiniling nito na idagdag na sa mga pag-aaralan ng mga estudyante ang mga paraan sa paglaban sa korapsyon na talamak na sa pamahalaan.
Layon nitong maturuan ang mga tao ng mga proseso at pamamaraan ng gobyerno at sa mga transaksyon na nagaganap sa pribadong sektor para maiwasan ang graft and corruption.
Naniniwala si Tugna na ang edukasyon ang pinaka epektibong sandata para malabanan ang korapsyon at pandaraya sa bansa.
Sinabi pa nitong maibabalik lamang ang tiwala ng publiko kung mismong sila ay sangkot sa paglaban sa katiwalian.
Sa ilalim ng panukalang batas, obligado ang lahat ng pampublikong pa aralan mula elementarya at sekondarya na isama sa kanilang curriculum ang pagtuturo ng paglaban sa graft and corruption sa kanilang komunidad.