Pinoy todas sa sumabog na tanker sa Saudi!
MANILA, Philippines - Isang overseas Filipino worker (OFW) ang nasawi habang 10 pang kasamahang Pinoy ang malubhang nasugatan nang sumambulat ang isang fuel truck o tanker matapos na bumangga ang sasakyan sa poste ng isang overpass sa Riyadh, Saudi Arabia kamakalawa.
Sa ulat ni Ambassador Ezzedin Tago ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh sa Department of Foreign Affairs, kinilala ang nasawi na si Florentino Santiago, isang truck driver ng kumpanyang Zahid Tractor na nakabase sa Riyadh at kasama sa 22 katao na namatay sa pagsabog. Siya ay binawian nang buhay habang ginagamot sa King Fahad National Guard Hospital matapos tumilapon ng ilang metro mula sa sasakyan at masunog ang iba’t ibang parte ng kanyang katawan.
Ayon kay DFA spokesman Raul Hernandez, isa sa 10 Pinoy na mekaniko ang nananatiling nasa kritikal na kondisyon. Ang 10 Pinoy ay magkakahiwalay na nilalapatan ng lunas sa National Guard Hospital, Habib Hospital, Jazira Clinic at Shumaisi hospital. May kabuuang 135 katao ang sugatan kabilang na ang nasabing mga Pinoy.
Minalas na mapuruhan si Santiago dahil natutulog umano siya sa loob ng truck na naka-park may 200 metro ang layo sa pinangyarihan ng pagsabog.
Ang mga sugatan ay nasa paligid o loob lamang ng kanilang pinapasukang shop at nagkukumpuni ng mga heavy equipment habang ang ilan ay naka-break time nang mahagip ng mga nagbagsakang debris. Sa lakas ng impact ay sunog at wasak ang mga sasakyan habang gumuho ang Saudi National Guard industrial building at nagkabasag-basag ang mga salamin ng mga establisimyento malapit sa pinangyarihan ng explosion sa eastern district ng Riyadh.
Tumagas umano ang kargang gas ng nasabing truck dahil sa lakas ng pagkakasalpok sa poste ng flyover na nagdulot ng pagsabog at sunog sa lugar.
Sinabi ni Hernandez na inaayos na ng Embahada at employer ang repatriation sa mga labi ni Santiago habang nagpadala na ng magkakahiwalay na embassy team sa mga ospital na kinaroroonan ng mga sugatang Pinoy upang mabigyan sila ng assistance o tulong. Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang DFA sa mga kaanak ng mga biktima sa Pilipinas. (May kaugnay na ulat si Rudy Andal)
- Latest