MANILA, Philippines - Nais ipamukha ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III sa mga nagsusulong ng Reproductive Health Bill ang panukala sa China na tanggalin na ang umiiral doon na “one-child policy” dahil sa masamang epekto na idudulot nito sa kanilang bansa.
Ayon kay Sotto, lumabas sa pag-aaral na kahit pa mahigit na isang bilyon na ang populasyon ng mga Chinese, ang kanilang tumatandang populasyon ay makakasira sa ekonomiya sa hinaharap.
Inirekomenda kamakailan ng China Development Research Foundation na maging maluwag na sa kanilang one-child policy at payagan na ang mga pamilya na magkaroon ng dalawang anak pagsapit ng 2015 habang target ding tanggalin na ang lahat ng population restrictions pagsapit ng 2020.
Natuklasan umano na ang younger population ng China na karamihan ay mga lalake ay mahihirapang suportahan ang matatanda nilang populasyon. Nakita na rin na magiging isyu ang “gender imbalance” kung saan mas marami ang lalake kaysa sa mga babae.
Umabot na sa isang bilyon ang populasyon ng China noong Okture 2011.
Bagaman at nakatulong umano ang polisiya ng China na mapigilan ang paglaki ng populasyon, may mga ulat naman na maraming ina ang napipilitang ipa-abort ang kanilang babaeng fetus dahil mas pinapaboran ng kanilang kultura ang mga anak na lalake.
Ayon pa kay Sotto, isa sa mga tutol sa RH Bill, dapat magsilbing eye-opener ang nangyayari sa China sa mga nais kontrolin ang populasyon.
“Our country has less than 100 million and some of us want to tinker with it. God has a process of life and death. We should not interfere with His process,” sabi pa ni Sotto.