MANILA, Philippines - Bilang pagkilala sa ginagampanang tungkulin ng mga guro na tumatayong Board of Election Inspectors (BEI), Special Board of Election Inspectors (SBEI) at Board of Election Tellers (BET) tuwing national at local elections ay makakatanggap na ang mga ito ng compulsory insurance coverage.
Ito’y matapos aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang House bill 6528 na inihain nina Reps. Juliet Cortuna (Party-list, A-Teacher), Mariano Piamonte (Party-list, A-Teacher), Antonio Tinio (Party-list, Act Teachers) at Andres Salvacion, Jr. (3rd District, Leyte).
Ang nasabing panukala ay inindorso sa plenaryo ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms chairman Rep. elpidio Barzaga Jr. (Lone District, City of Dasmariñas, Cavite).
Paliwanag ni Cortuna, malaki at mahalagang tungkulin ang ginagampanan ng mga miyembro ng BEI upang masiguro sa publiko ang malinis at maayos na eleksyon subalit ilan sa mga ito ay nagiging biktima ng karahasan base sa statistics.
Dahil dito kayat dapat na ipatupad ang batas upang maprotektahan ang mga ito sa hinaharap at hindi lamang basta sila maging bahagi ng statistics.
Sa ilalim ng “Election Officer/staff insurance Act of 2012 magsisimula ang insurance coverage sa oras na ang isang taong insured ay lantad sa anumang uri ng election related risk subalit mababalewala naman ang insurance coverage sa sandaling mai-turn over na ang mga election paraphernalia sa receiving officer at hanggang matapos ang panganib ng eleksyon.
Bibigyan ng P200,000 death benefits ang mga beneficiaries gayundin ang hospitalization at medical expenses bukod pa ang ibibigay ng Government Service Insurance System (GSIS) at ang pagbabayad ng premium ng Comelec kung saan ang GSIS naman ang magdedetermina kung magkano ito.