MANILA, Philippines - Pinayuhan ng Malacañang si dating Chief Justice Renato Corona na harapin na lamang nito ang kanyang P120 milyong tax evasion cases kaysa makialam sa distribusyon ng lupain sa mga magsasaka sa Hacienda Luisita.
Tugon ito ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte sa naging pahayag ni Corona na kumukuwestyon sa mabagal na distribusyon ng lupa sa mga magsasaka gayung 6 na buwan na ang nakalipas matapos magdesisyon ang SC.
Ayon kay Valte, ginagawa na ng gobyerno ang trabaho nito partikular ang DAR sa pamamahagi ng lupain sa mga magsasaka kaya mas mabuting harapin na lamang ng pinatalsik na chief justice ang kanyang kasong tax evasion.
Sa pinal na desisyon ng SC noong April 2012 dapat maipamahagi sa halos 6-libong farmer beneficiaries ang nasa 5 libong ektaryang lupain ng hacienda.
Ang Hacienda Luisita ay pag-aari ng pamilya Cojuangco na kaanak ni Pangulong Aquino.