MANILA, Philippines - Malaking pagtatapyas sa produktong petrolyo ang ipatutupad ngayong Lunes ng mga kumpanya ng langis dahil sa malaking pagbaba ng contract price nito sa internasyunal na merkado.
Sa anunsyo ng Petron Corp. nasa P2.15 kada litro ang ibabawas nito sa kanilang premium at unleaded gasoline habang P1.70 sa regular gasoline umpisa alas-12:01 ng hatinggabi. Babawasan rin nito ng P1.35 ang kada litro ng diesel at kerosene.
Parehong mga presyo rin ang ibabawas ng Seaoil at Phoenix Petroleum dakong alas-6 ng umaga.
Hatinggabi naman magro-rollback ang Eastern Petroleum na magbababa ng P2 kada litro sa premium at unleaded gasoline, P1.35 sa diesel at P1.75 sa regular gasoline.
Para sa Unioil, P2.30 ang ibabawas sa kada litro ng gasolina at P1.30 sa diesel.
Dahil sa rollback, iniatras na ng transport groups ang petisyon nila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa dagdag-singil sa pa sahe.