MANILA, Philippines - Nag-ikot kahapon si Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr., sa mga tanggapan ng Comelec upang alamin ang sitwasyon sa nagpapatuloy na voters’ registration sa bansa kabilang na ang Quezon City, Makati at Arroceros sa Maynila.
Dito napansin ni Brillantes ang mahabang pila ng mga residente na nagpaparehistro. Naniniwala naman si Brillantes na pawang ‘hakot’ lamang ang mga taong nagpaparehistro.
Ayon kay Brillantes, nakaugalian na ng mga pulitiko na umupa ng mga sasakyan at dalhin ang mga residente sa Comelec para magparehistro at ganito rin aniya ang ginagawa ng mga ito kahit pa sa mismong araw ng eleksiyon.
Umaabot sa 600 katao ang nakapila sa voter’s registration site sa Quezon City Hall kahapon bagama’t holiday.
Nagbabala pa si Brillantes sa mga pulitiko na huwag na nila itong gawin ulit sa darating na halalan. Aniya, warning lamang ito sa mga pulitiko.
Matatandaang si Brillantes ay may 20 taong naging election lawyer bago naupong chairman ng Comelec kaya’t alam na niya ang gawain ng mga pulitiko.
Iginiit pa niya na ang hindi niya gusto sa ‘hakot system’ ay yaong marami sa mga ito ang hindi naman lehitimong botante at nakapagpapagulo lang sa proseso.
Ang registration period para sa halalan sa 2013 ay nakatakda nang magtapos sa Oktubre 31 at binigyang-diin ng poll chief na walang extension para rito.
Inaasahan naman ni Brillantes na madaragdagan pa ang mga magpapatala at aabot ng mula 49 milyon hanggang 50 milyon.