MANILA, Philippines - Inaprubahan na sa Kamara ang K-12 program na naglalayon na dagdagan ng dalawang taon ang kasalukuyang 10-taon education program sa bansa.
Sa kabila ng pagtutol nina Kabataan Rep. Raymond Palatino at Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan, naipasa pa rin ito sa ikalawang pagbasa sa pamamagitan ng viva voce vote o sa pamamagitan ng “aye” or “ nay”.
Pansamantala naman itinigil ang session matapos magsisigaw ang grupo ng mga kabataan na miyembro ng League of Filipino Student bilang protesta sa K-12 program at mabilis din binitbit palabas ng security personnel ng Kamara.
Giit nina Palatino at Ilagan na ang bagong programa ay hindi solusyon sa kasalukuyang mahinang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Sa halip umano ay dapat na humanap na lamang ang pamahalaan ng solusyon sa kawalan ng guro, classrooms at education materials kaysa dagdagan ng dalawang taon ang kasalukuyang programa sa edukasyon gayundin ang pagsama sa technical vocational courses.