MANILA, Philippines – Naitala ngayong bisperas ng Bagong Taon ang pinakamalamig na temeperatura sa Metro Manila para sa buwan ng Disyembre, ayon sa state weather bureau.
Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Martes na bumagsak sa 20.7 degrees Celsius ang temperature sa Metro Manila.
Naitala ito bandang alas-6 ng umaga, kung saan napantayan nito ang pinakamalamig na klima ngayong taon sa Metro Manila noong Nobyembre.
Samantala, lalong lumamig sa summer capital ng bansa ang Baguio City.
Sinabi rin ng PAGASA na naitala ang record-low ngayong buwan ng Disyembre sa Baguio City na bumbaba sa 12 degrees Celsius.
Sinabi ng state weather bureau na asahang mas lalamig sa mga susunod na araw dahil sa epekto ng hanging amihan.
Magtatagal ang maginaw na panahon hanggang Pebrero bago pumasok ang tag-init.