5 pa biktima ng ligaw na bala - PNP

MANILA, Philippines - Limang biktima pa ng ligaw na bala ang naitala ng Philippine National Police (PNP), anim na araw bago ang bagong taon.

Sinabi ni PNP spokesperson Senior Superintendent Wilben Mayor na mula sa Sampaloc, Manila; South Cotabato; Benguet; Iloilo at Naga City ang mga biktima.

Nitong kamakalawa ay sinabi ni Health Assistant Secretary Eric Tayag na taga Ormoc City ang unang biktima ng ligaw na bala.

Dagdag niya na bandang 1:30 ng madaling araw nang matamaan ng ligaw na bala ang biktima noong Disyembre 23.

May naitala rin ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na biktima ng ligaw na bala sa Marikina City.

Nakilala ang biktimang si Roberto Mariano Jr. na naglalakad lamang sa kalye ng Daang Bakal sa Barangay Nangka, Marikina City nang tamaan ng bala bandang 8:10 ng gabi noong kamakalawa.

Samantala, 77 katao na ang biktima ng paputok sa huling tala ng Department of Health (DOH) ngayong Huwebes.

Karamihan sa mga batang biktima ng paputok ay dahil sa Piccolo.

Isa ang Piccolo sa mga ipinagbabawal na paputok ng mga awtoridad.

Show comments