MANILA, Philippines - Pumanaw na ang driver ng tumilapong bus sa Skyway na kaagad ikinasawi ng 18 katao, ayon sa isang ulat.
Sinabi ni Efren Risomadero sa DZMM na Lunes ng gabi nasawi ang kanyang pinsan na si Carmelo Calatcat.
Walong araw nakipaglaban si Calatcat para sa kanyang buhay sa intensive care unit (ICU) ng Parañaque Doctors Hospital mula nang mangyari ang insidente noong Nobyembre 16.
Minamaneho ni Calatcat ang isang bus ng Don Mariano Transit na tumilapon mula sa southbound lane ng Skyway sa pagitan ng Sucat at Bicutan exit.
Napag-alamanan na mabilis ang takbo ng bus kahit maulan kaya naman nawalan ito ng kontrol bago tumilapon sa west service road at bagsakan ang isang closed van.
Bago masawi ay kinasuhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) si Calatcat ng reckless imprudence resulting in multilpe homicide, multiple physical injury at damage to property dahil sa pagkasawi ng 18 pasahero.