98% ng winasak na lugar ni Yolanda may kuryente na - DOE

MANILA, Philippines – Literal na magiging maliwanag ang pagsalubong sa pasko ng mga biktima ng bagyong Yolanda matapos ianunsyo ng Department of Energy (DOE) na naibalik na ang supply ng kuryente.

Sinabi ni DOE secretary Carlos Petilla na “on track” sila sa kanilang target na maibalik ang supply ng kuryente bago ang pagsalubong sa pasko ng mga nakaligtas sa hagupit ni Yolanda.

Dagdag ng kalihim na 98% na ng mga winasak na komunidad ni Yolanda matapos itong humambalos noong Nobyembre 8 ang may kuryente na.

“We are on track, bagama’t may nagdududa,” sabi ni Petilla sa isang panayam sa telebisyon.

Sinabi pa ng kalihim na nasa 10 bayan na lamang ang wala pang kuryente, kabilang ang Pilar sa Camotes  Island, bayan ng Guiain at Lawaan sa Eastern Samar.

Nauna nang sinabi ni Petilla na maibabalik niya ang kuryente sa mga sinirang lugar ni Yolanda bago mag pasko. Sa kumpiyansa niya ay sinabi niyang magbibitiw siya sa puwesto kung hindi ito mapatutupad.

Nagpapasalamat si Petilla sa mga nakiisang kompanya ng kuryente na tumulong upang maibalik ang supply. Pero aniya hindi pa tapos ang kanilang trabaho.

“Kailangan ko pa ring tutukan (ang mga nalalabi) dahil nangangamba ang trabaho ko,” pahuling banggit niya.

Show comments