MANILA, Philippines - Umakyat na sa 6,092 ang bilang ng kumpirmadong patay sa hagupit ng bagyong "Yolanda" ayon sa state disaster response agency ngayong Huwebes.
Sinabi ng National Risk Reduction and Management Council sa pinakabagong situational report na bukod sa mga kumpirmadong patay, 1,779 pa ang hanggang sa ngayon ang nawawala makalipas ang higit isang buwan.
Umabot na sa 27,665 katao ang nasaktan sa pagtama ng pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan noong Nobyembre 8.
Sinabi pa ng NDRRMC na higit 16 milyong katao ang naitalanag naapektuhan ni Yolanda sa 44 probinsya, 591 bayan, 57 lungsod sa Regions 4-A, 4-B, 5, ,6 ,7 ,8, 10, 11 at Caraga.
Mula sa naturang bilang ay lagpas 101,000 katao ang nananalagi pa rin sa 381 na evacuation centers.
Tinatayang aabot sa P36.6 bilyon na ang halaga ng pinsala, P18.2 bilyon dito ay mula sa impastraktura at P18.3 bilyon naman sa agrikultura.
Nauna nang sinabi ng Department of Social Welfare and Development na hanggang katapusan na lamang ng Disyembre ang kanilang pamamahagi ng relief goods.
Sinabi ni DSWD secretary Dinky Soliman na nais nilang tumayo sa sariling paa ang mga biktima ng bagyo.
Nilinaw ni Soliman na tutulong pa rin naman sila sa pamimigay ng pangkabuhayan at pagkakakitaan.