Pacquiao malabo nang makabawi kay Marquez

MANILA, Philippines – Malabo nang makabawi ang fighting congressman na si Manny Pacquiao sa kanyang matinding karibal na si Juan Manuel Marquez matapos siyang patulugin sa kanilang ikapaat na laban noong nakaraang taon.

Sinabi ng kampo ng Mexicano na nais lamang nilang makatunggali muli ang Amerikanong si Timothy Bradley at kung hindi mangyayari ito ay sa pagreretiro na ang kanyang deretso.

“Juan has only one goal – to confront Timothy Bradley in a rematch. If that does not happen, he will retire,” pahayag ng longtime trainer at manager ni Maruez na si Nacho Beristain sa notfight.com.

"Juan wants to win another world championship, in a fifth division, and Bradley has the welterweight title,” dagdag niya.

Natalo ang 40-anyos na boksingero kay Bradley nang magbakbakan sila noong Oktubre.

Kamakailan lamang ay sinabi ng Top Rank promotions chief Bob Arum na nakatakdang lumaban ang kanyang alaga na si Pacquiao sa Abril 2014.

Ilan sa pinagpipiliang makalaban ng eight-division world champion si Marquez para sa kanilang panlimang tunggali. Kabilang din sa maaaring makasagupa ni Pacquiao si Bradley at ang Russian at WBO junior welterweight champion Ruslan Provodnikov.

Nais ng kampo ni Marquez na makakolekta ng limang titulo sa magkakaibang timbang. Nahawakan na ni Marquez ang featherweight, super featherweight, lightweight at junior lightweight na kampeonato.

Disyembre noong nakaraang taon nang tumama ang kanang kamao ni Marquez sa ulo ni Pacquiao na nauwi sa pagkatulog ng Filipino boxing icon ng ilang minuto sa loob ng ring.

Mula noon ay niluluto ng Top Rank na magkitang muli ang sina Pacquiao at Marquez para matuloy ang sinasabing isa sa mga pinakamagandang laban sa kasaysayan ng boksing.

Show comments