MANILA, Philippines – Maaaring bawiin ng gobyerno ang parole na nakuha ni dating Batangas governor Antonio Leviste, ayon mismo kay Pangulong Benigo Aquino III ngayong Lunes.
Dismayado si Aquino sa naging desisyon ng Department of Justice’s Board of Pardons at Parole (BPP) na pagbibigay ng parole sa dating gobernador na nakasuhan ng murder.
"Paano magiging good conduct yung nasa labas ng piitan habang nagseserve ng sentence?" tanong ni Aquino. "Bakit napalaya ang isang taong nakapiit na hindi pa rin sumusunod sa batas?"
Tinutukoy ni Aquino ang pagkakahuli ng mga awtoridad kay Leviste sa LPL building sa Makati City noong 2011 kahit na nakakulong ito.
Lumabag si Leviste sa kanyang “living out†na prebiliheyo kung saan sa compound lamang ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa siya maaaring maglibot.
Napatawan ng anim hanggang 12 taong pagkakakulong si Leviste matapos patayin ang dati niyang tauhan. Pumasok sa NBP ang dating gobernador noong Enero 26, 2009.
Pinalaya si Leviste nitong Biyernes matapos bigyan ng parole dahil sa kanyang magandang asal habang nakakulong.
Kaugnay na balita: Dating Batangas guv Leviste lalaya matapos bigyan ng parole
"Most likely, the board took that factor (old age) as a matter of course," pahayag ni Superintendent Venancio Tesoro, NBP officer-in-charge sa paglaya ng 73-anyos na si Leviste.
Sinabi ni Aquino na maaaring bawiin ang parole kung tumutuol ang pamilya ng biktima.
Nais din Pangulo na siyasatin ang mga patakaran ng parole system at imbestigahan kung dapat panagutin ang mga tauhan ng BPP.
"Medyo hirap akong magkomentaryo pa dito dahil pinaaaral ko nang masusi lahat ng anggulo nitong insidenteng ito," sabi ni Aquino.