MANILA, Philippines – Makakatanggap ng P10,000 bonus ang mga tauhan ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa kanilang ika-80 anibersaryo ngayong Lunes.
Sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III na naging maganda ang naging taon ng DOLE kaya naman hindi siya nahirapang pirmahan ang bonus.
"Sa totoo lang ho, maganang-magana ang pagpirma ko nitong inyong anniversary bonus," sabi ni Aquino sa kanyang talumpati kung saan pinuri niya si DOLE Sec. Rosalinda Baldoz at ang buong kagawaran.
"Sa iba ho kasi medyo ang hirap sumayad ng fountain pen. Naalala ko ho ‘yong mga accomplishments nila medyo manipis eh," dagdag niya.
Isa sa mga ikinatuwa ng Pangulo ang pagbaba ng mga welga mula noong 2010.
"Sa 152 notices of strike and lockout ngayong taon, isa lang ang natuloy na welga. Ito raw po ang pinakamababa sa kasaysayan ng DOLE," sabi ni Aquino.
Pinasalamatan din ni Aquino ang iba pang ahensya ng gobyerno bukod sa DOLE para sa mga programang sumusugpo sa nasa 100,000 kabataan na sumasabak sa pagtatrabaho o child labor.