MANILA, Philippines - Pumalo na sa 5,560 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong "Yolanda," ayon sa state disaster response agency ngayong Huwebes.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na patuloy pa rin ang kanilang paghahanap sa 1,157 pang nawawala matapos bayuhin ni Yolanda ang Visayas partikular sa probinsya ng Samar at Leyte.
Dagdag ng NDRRMC na umabot sa 26,136 na katao ang nasugatan matapos higit apat na beses humampas sa lupa ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon nitong Nobyembre 8.
Umakyat naman ang bilang ng mga naapektuhan ng bagyo sa 10.8 milyon mula sa 11,984 barangay, 580 bayan at 57 na lungsod sa Regions 4-A, 4-B, 5, 6, 7, 8, 10, 11, at Caraga.
Mula sa naturang bilang ay 225,911 katao ang nananalagi sa 1,091 evacuation centers, ayon pa sa NDRRMC.
Samantala, umabot sa P24.5 bilyon ang halaga ng pinsala ng bagyo mula sa agrikultura at mga impastraktura.