Higit P200M pinsala ni 'Vinta' - NDRRMC

MANILA, Philippines – Higit P200 milyon halaga ng mga ari-arian ang nasira sa pananalasa ng bagyong “Vinta” matapos nitong bayuhin ang hilagang Luzon noong nakaraang linggo, ayon sa disaster response agency.

Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong Lunes na umabot sa P207 milyong halaga sa agrikultura ang nasira, habang P1.3 milyon sa mga impastraktura.

Tatlong katao ang iniwang patay ng pang-22 na bagyo ngayon taon na pawang mula sa region 1 at 2 at Cordillera Administrative Region, dagdag ng NDRRMC.

Sinabi pa ng ahensya na dalawang katao pa ang pinaghahahanap matapos anurin ng rumaragasang baha sa probinsya ng Abra at Isabela, habang isang katao ang nasaktan matapos mabagsakan ng puno sa Laoag City sa Ilocos.

Umanot naman sa 220,000 katao ang naapektuhan ng panlimang bagyo ngayong buwan.

Humampas sa kalupaan ng Cagayan si Vinta nitong Huwebes at nakalabas ng Philippine Area of Responsibility nang Biyernes.

Show comments