Binoe iiwan na ang ABS-CBN

MANILA, Philippines - Nagpahiwatig si Robin Padilla na nais niyang iwanan na ang Kapamilya network.

“Gusto ko na lumipat, e!” banggit ni Robin nitong Miyerkules sa press conference ng isang mobile network.

Ipinaliwanag ni Binoe na matatapos na ang kanyang kontrata sa ABS-CBN at inamin sinusuyo na siya ng TV5 at GMA7.

“Malapit na po, expired [contract] na po kami ng ABS-CBN, namimili po ako sa tatlo kung sino ang may pinakamagandang offer,” sabi ni Robin.

Nilinaw ni Robin na wala naman siyang naging problema sa ABSCBN at sa katunayan ay laking pasalamat niya sa Kapamilya network dahil sa mga nakuhang proyekto tulad ng "Guns N Roses,” “Kailangan Ko’y Ikaw” at “Toda Max.”

“Wala naman ako marereklamo sa ABS kasi Kapamilya yan, e,” sabi ng action star. “Pero siyempre gusto ko rin… kailangan kasi progresibo ang pagkatao natin.”

Ani Robin na hindi naman pwedeng puro pag-arte lamang ang kanyang gawin.

Sinabi niya na nais niyang pasukin ang pag-produce ng mga palabas sa telebisyon.

“Ako’y may edad na rin, ako’y 43 na sa mga oras na ‘to, gusto ko naman ng mga proyektong makakatulong naman, hindi naman yung puro ako pa-cute. Gusto ko rin siyempre maging producer, humahanap ako ng istasyon na tatanggapin ako bilang producer hindi lang bilanng artista. Kasi nagpo-produce na rin ako ng pelikula, tatlo pino-produce kong pelikula," kuwento ni Binoe.

Kasali si Robin sa 2013 Metro Manila Film Festival kung saan entry niya ang "10,000 Hours" nakatakda rin siyang gumawa ng pelikula kasama ang pamangkin at matinee idol Daniel Padilla sa susunod na taon.
 

Show comments