MANILA, Philippines – Patay ang isang fire volunteer matapos rumesponde sa sunog sa Isabela City, Basilan ngayong Miyerkules ng umaga.
Kinilala ni Isabela City police chief Superintendent Albert Larubis ang biktima na si Rolando Lim, fire volunteer ng UECI Fire Brigade.
Nirepondehan ni Lim at ng iba pang bumbero ang sunog sa lungsod na tumupok sa 18 bahay at 15 establisyamento kaninang 9:30 ng umaga.
Sinabi ni Larubis na biglang hinimatay si Lim habang hinihila ang fire hose.
Kaagad isinugod si Lim sa Infante Hospital ngunit binawian ito ng buhay matapos atakihin sa puso, dagdag ng hepe.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang pinagmulan ng sunog na tumagal ng isa’t kalahating oras.