MANILA, Philippines – Iginiit ng kampo ni Gloria Macapagal Arroyo na hindi sila kalianman nagkita ng itinuturong nasa likod ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Sa isang panayam sa telebisyon ay sinabi ng abogado ni Arroyo na walang lalabas na litrato ang kanyang kliyente at si Napoles dahil hindi naman ito magkakilala.
"No. She does not know her (Napoles) and she has never met her. In fact, lahat ng testigo ng (pork barrel scam) never mentioned GMA in their statements or affidavits," sabi ni Atty. Raul Lambino ngayong Lunes.
Nitong Setyembre ay kumalat ang litrato ni Pangulong Benigno Aquino III kasama si Napoles at ang asawa’t anak nito.
Pero sinabi ni Presidential Communications Development and Strategic Planning Office Secretary Ricky Carandang na hindi kilala ni Aquino si Napoles.
"We're not hiding anything," pahayag ni Carandang. "He doesn't know them personally."
Kaugnay na balita: Palasyo iginiit na hindi kilala ni Noy ang mga Napoles
Paliwanag niya na hindi naman porke't kasama ni Aquino si Napoles sa larawan ay ibig sabihin nito ay magkakilala sila.
Dagdag ni Carandang na hindi naman maaaring pigilan ang mga gustong magpakuha ng litrato sa Pangulo lalo na kung nasa public event.
"Mahirap gawin 'yon. That's not just limited to the President. When you go to a public event, 'pag 'di ka nagpa-picture, magagalit sila. A picture with someone does not mean that they're guilty," sabi ng kalihim.
Sa inilabas ng Commission on Audit na special report tungkol sa umano'y maanomalyang paggamit sa Priority Development Assistance Fund ng mga mambabatas, saklaw nito ang taong 2007-200 kung saan si Arroyo ang nakaupong pangulo.
Hindi lumutang ang pangalan ni Arroyo sa ginawang imbestigasyon ng Department of Justice maging sa mga salaysay ng whistleblowers sa pangunguna ni Benhur Luy sa pagdinig ng Senado.