Palasyo inililihis ang isyu sa DAP - Arroyo

MANILA, Philippines – Inililihis lamang ng Palasyo ang atensyon mula sa umano'y maanomalyang Disbursement Acceleration Program (DAP) sa paghain ng kaso kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ayon sa isang abogado ngayong Lunes.

"'Yun ang nakikita namin... na itong pagsasampa ng kaso laban sa mga hindi kaalyado ng presidente, ito ay para i-cover up 'yung mga anomalya patungkol sa DAP," pahayag ng abogado ni Arroyo na si Raul Lambino.

"Bigla na lang sasampahan na naman ng kaso si dating Pangulong Gloria Arroyo. So, sa tingin namin ito ay talagang diversionary tactic para maiwas na naman sa mata ng publiko itong mga maling gingawa ng administrasyong ito," dagdag niya.

Inirekomenda ng Department of Justice na kasuhan ng pandarambong sa Office of the Ombudsman nitong Huwebes si Arroyo at limang dating opisyal ng gobyerno dahil sa umano’y pangungurakot sa Malampaya fund.

Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na naglabas ng Executive Order 848 sina Arroyo at dating Executive Secretary Eduardo Ermita upang magalaw ang Malampaya funds mula sa natural gas upang pondohan ang mga livelihood projects.

Kaugnay na balita: Arroyo, 6 pang iba nahaharap sa kasong plunder dahil sa Malampaya fund

Iginiit ni Arroyo na awtorisado ang pagkuha nila ng pondo sa ilalim ng Presidential Decree 910.

Isinampa ang kasong pandarambong kina Arroyo habang kinukuwestiyon ang paggamit ng DAP ni Pangulo Benigno Aquino III.

Sinabi ni naman ni Aquino na naaayon sa saligang batas ang pagpapalabas ng karagdagang pondo at ginamit naman ito ng wasto.

Kaugnay na balita: DAP legal ayon sa Saligang Batas - PNoy

"Kakabasa ko lang sa Constitution, merong authority sa savings na to put to other uses, basta nandoon sa ating budget," pahayag ni Aquino noong nakaraang linggo.

Show comments