MANILA, Philippines – Maaring managot ang tenant at may-ari ng sumabog na condominium unit sa Two Serendra sa Taguig City, ayon kay Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ngayong Huwebes.
Sinabi ni Roxas na lumabas sa imbestigasyon na may kapabayaan ang tenant at may-ari ng unit 501-B na matapos itong sumabog noong Mayo 31.
Lumabas sa forensic investigation na pinangunahan ng international post-blast expert Kroll Associates na nagsimula ang gas leak matapos ipagawa ang condominium unit sa ilalim ng RM Ladrigo Construction Services.
"Hindi naibalik ng tama nung hose pero kung naibalik man pero mali...ginalaw 'yung gas range na di kabahagi yung na-approve work," pahayag ni Roxas.
Dagdag ng kalihim na sumingaw ang gas matapos ang pagpapagawa ng unit, ngunit hindi gumana ang safety features ng gusali.
"Nagkaroon ng pag ipon ng gas dahil di naka-plug.. di gumagana leak detector at automatic shutoff valve," sabi pa ni Roxas.
Bukod sa tenant at may-ari na si Marianne Cayton-Castillo, maaari ring managot ang Bonifacio Gas Corp at Makati Development Corp sa insidente na nag-iwan ng apat na patay.
Sinabi pa ni Roxas na ipapasa na nila ang final report sa Department of Justice upang malaman ang mga isasampang kaso.
"Kasi kaunahan-unahan ito nangyari sa ating bansa, dun kami nag-focus sa science... medyo maselan ito, science is involved...pinababayaan natin sa abogado any legal liability," sabi ni Roxas.