MANILA, Philippines – Duminig muna ng misa ang 10 pork barrel scam whistleblowers ngayong Lunes bago tumungo ng Office of the Ombudsman upang magsampa ng kaso sa mga nasa likod ng pangungurakot.
Kasama ng mga whistleblower, kabilang si Benhur Luy na humarap sa Senate Blue Ribbon Committee hearing noong nakaraang linggo, si Justice Secretary Leila De Lima sa opisina ng National Bureau of Investigation headquarters sa Taft Avenue, Manila.
Nakatakdang ihain ng NBI ang kasong pandarambong ngayong hapon sa Ombudsman laban sa umano’y mastermind ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles na kasalukuyang nakapiit sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.
Samantala, nanawagan si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz sa gobyerno na tuluyan nang ibasura ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala sa tawag na pork barrel.
"You will see those who will run for public office will be people of honesty and integrity because this pork barrel is big business. Pork barrel politics is good business," pahayag ni Cruz na pinuno ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.
Nitong Biyernes ay dalawang miyembro ng public safety group ang naghain ng kasong plunder kina Napoles, limang senador at 23 kongresista dahil sa umano’y maling paggamit ng PDAF.
Kaugnay na balita: Plunder isinampa vs. Napoles, 5 senador
Inireklamo nina Jose Malvar Villegas at Carlo Batalla sa Ombudsman sina Napoles at mga senador na sina Juan Ponce Enrile, Ramon Revilla Jr., Ferdinand Marcos Jr., Jinggoy Estrada and Gregorio Honasan, at dating Muntinlupa City representative na ngayo’y Customs Commissioner Ruffy Biazon.