MANILA, Philippines - Hiniling ni bise-presidente Jejomar Binay sa Kongreso na tanggalin na ang kanyang P200-million social services fund para sa 2014 national budget.
Sinabi ni Binay na ayaw lamang niyang makuwestiyon pa ang pondo sa kanyang opisina, kasunod ang pagputok ng isyu ng pork barrel scam.
"Pormal kong hinihiling na tanggalin sa 2014 budget ng tanggapan ng Pangalawang Pangulo ang P200 million na nakalaan sa locally funded projects," pahayag ni Binay ngayong Miyerkules.
"Nagdesisyon ako kahit hindi pa man sinasabi ng kinauukulan kung ano ang katangian ng pondong ito, para maiwasan ang ispekulasyon at pamumulitika sa usaping ito," dagdag niya.
Sa pagtanggal ng kanyang pondo ay alam ni Binay na maapektuhan ang kanyang mga programa, scholarships, tulong medikal, at iba pa.
Iginiit din ng bise-presidente na walang anomalya sa kanyang pondo, patunay dito ang pagsisiyasat ng Commission on Audit (COA).
"Hindi lamang pasado ito sa COA, kundi pinapurihan pa kami, bilang pagkilala sa hayag at masinop na paggamit ng aking tanggapan sa nasabing pondo, at ang benepisyo na natatamasa ng ating mga kababayan," sabi ni Binay.
Samantala, pinaninindigan pa rin ng Palasyo na dapat manatili ang Malampaya funds ni Pangulong Benigno Aquino III.
Iginiit ng Palasyo na iba ang pondo ng Pangulo sa pork barrel ng mga kongresista.
Kahapon ay naglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema upang ipatigil ang paglabas ng nalalabing pondo ng 2013 budget.
Lumagda ang lahat ng hukom sa TRO na magpipigil sa paglabas ng pondo, kabilang ang Malampaya Funds ng Pangulo.
Itinakda ng Korte Suprema ang oral argument sa Oktubre 8.
Inilabas ang TRO sa kasagsagan ng isyu ng pork barrel scam, kung saan ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles ang umano’y utak sa likod ng pangungurakot ng mga mambabatas.