MANILA, Philippines – Napigilan ng militar ang tangkang pagresponde ng isang armadong grupo sa mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) na nakapasok na sa ilang barangay sa Zamboanga City ngayong Martes.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Brig. Gen. Domingo Tutaan, Jr., na sinubukan ng armadong grupo na pumasok sa sinakop na mga barangay ng MNLF kaninang alas-4 ng medaling araw.
"A group tried to break through our lines in Barangay Sta. Barbara. Our units there prevented them from joining the rogue MNLF members holed there," sabi ni Tutaan.
Inaalam pa ng Armed Forces of the Philippines kung may nasaktan o nasawi sa pinakahuling engkwentro nila.
Tiniyak naman ni Tutaan na mananatiling mahigpit ang kanilang seguridad kontra sa mga MNLF na sinakop ang Barangay Rio Hondo, Sta. Catalina, Sta. Barbara at Talon-Talon.
"Checkpoint operations will continue and the AFP will still continue to ensure that the Misuari breakaway group (rogue MNLF members) will not get away or other armed men from joining them," pahayag ng tagapagsalita ng AFP.
Dahil sa kaguluhan ay ikalawang sunod na araw nang walang pasok sa eskwelahan at trabaho sa lungsod, maging ang biyahe ng mga eroplano ay kinansela.
Kahapon ay nilinaw ni dating Cotabato City vice mayor Muslimin Sema na hiwalay na grupo ng MNLF ang sumugod sa Zamboanga.
Sinabi ni Sema na pinapahalagahan pa rin ng kanilang grupo ang usaping pangkapayapaan nila ng gobyerno na nilagdaan noong 1996.
“We continue to stand our commitment by the government-MNLF 1996 final peace agreement as we would also like to stress that we have nothing to do with the attack in Zamboanga launched by our comrades loyal to Chairman Nur,†pahayag ni Sema, pinuno ng MNLF Executive Council of 15 (EC15) secretariat.