MANILA, Philippines - Nag-alok na ng P10-milyong pabuya si Pangulong Benigno Aquino III ngayong Miyerkules para sa ikadarakip ng umano'y utak sa pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Inialok ni Aquino ang pabuya matapos sabihin ng Bureau of Immigration kahapon na nawawala ang tatlong yate ni Napoles sa Makati Yacht Club.
Si Napoles ang umano'y nasa likod ng P10-bilyong pork barrel scam kung saan hinihinalang kasabwat niya ang ilang mga mambabatas na nagpapasok ng kanilang pork barrel sa pekeng non-government organizations.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Commission on Audit na tumanggap ng pondo mula sa mga mambabatas ang ilang NGO na nakapangalan kay Napoles noong 2007 hanggang 2009.
Pinaghahahanap ngayon si Napoles at kapatid niyang si Jojo Lim sa kasong illegal detention sa whistleblower na si Benhur Luy.
Naniniwala naman si Justice Secretary Leila de Lima na nasa bansa panang mag-utol.
"All existing leads na nakakalap ng [National Bureau of Investigation] ngayon point to the fact that they are still here but they are hiding," pahayag ni De Lima kahapon sa pulong balitaan ng Inter-Agency Graft Coordinating Council.