17 kumpirmadong patay sa 'habagat'
MANILA, Philippines - Umabot na sa 17 katao ang nakukumpirmang namatay dahil sa matinding pag-ulan na dala ng habagat na pinatindi ng bagyong "Maring" simula pa nitong araw ng Linggo.
Inihayag ni Major Reynaldo Balido Jr., tagapagsalita ng Office of Civil Defense (OCD), sa isang pulong-balitaan na ang pinakahuling nakumpirmang namatay ay naital asa Carranglan, Nueva Ecija.
Iniulat din ni Balido na umakyat na sa lima ang bilang ng mga napapaulat na nawawalang tao simula nang hagupitin ng habagat ang Luzon nitong Linggo at may 41 katao na rin ang nasugatan.
Sa naunang ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong alas-5 ng umaga, sinabi ng ahensya na umabot na sa halos P80 millyon ang tinatayang nasirang mga ari-arian at pananim dahil sa malawakang pagbahang dulot ng mga pag-ulan ng habagat sa Metro Manila, Ilocos, Calabarzon at Mimaropa.
Umabot na rin sa 622 na mga lugar ang napapaulat na binaha sa 88 munisipalidad sa limang rehiyon sa Luzon.
Ayon sa NDRRMC, limang probinsya na rin ang isinailalim sa state of calamity kabilang ang Bataan, Pampanga, Cavite, Laguna at Rizal.
Sa Metro Manila, isinailalim na rin sa state of calamity sa Paranaque, Muntinlupa, Malabon, Marikina, Pasay at Pateros.
- Latest
- Trending