MANILA, Philippines - Nagsimula nang magbarikada ngayong Huwebes ang mga informal settlers ng West Kamias, Quezon City dahil sa nakaamba umanong demolisyon sa kanilang mga bahay bukas.
Ayon sa isang ulat sa radyo, natapos na ang 30-araw na palugit na ibinigay ng pamahalaang lokal ng Quezon City sa mga informal settlers sa may kalye ng K9.
Tinanggihan ng mga informal settlers ang relokasyong ibinibigay ng pamahalaan ng QC sa Rodriguez, Rizal.
Anila, may ilang kasamahan na sila na tinanggap ang pabahay sa Rizal ngunit nagbalikan din ang mga ito dahil binabaha umano ang lugar.
Mula noong nakaraang buwan ay maraming informal settlers na ang pinapaalis ng lokal na pamahalaan at inaalok ng pabahay at relokasyon sa labas ng Metro Manila.
Marami ang umaayaw sa pabahay dahil wala umanong pagkakakitaan sa relocation sites.