'Jolina' maaaring lumabas ng Pinas mamayang gabi
MANILA, Philippines - Palalakasin ng bagyong Jolina ang hanging habagat ngunit inaasahang lalabas din ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Miyerkules ng gabi, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) .
Namataan ng PAGASA kaninang alas-4 ng hapon ang bagyonsa 390 kilometro kanluran ng Subic, Zambales.
May lakas na 55 kilometers per hour (kph) si Jolina habang gumagalaw pahilaga-kanluran sa bilis na 11 kph.
Wala namang nakataas na public storm warning signal sa buong bansa.
Si Jolina ang pangatlong bagyo na pumasok sa PAR ngayong buwan at pang-10 ngayong taon.
Inaasahang nasa 600 km kanluran ng Subic, Zambales si Jolina mamayang gabi o nasa labas na ng PAR.
Makakaranas ng katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan na may pagkulog at pagkidlat ang Mimaropa at Western Visayas dahil sa epekto ng bagyo sa hanging habagat.
Magiging maulap naman ang kalangitan ng Metro Manila at mga nalalabing bahagi ng bansa na may mahina hanggang katamtamang buhos ng ulan.
- Latest
- Trending