PDEA namigay ng P2.6M sa mga impormante

MANILA, Philippines - Siyam na impormante ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nakatanggap ngayong Martes ng pabuya na aabot sa P2.6 milyon dahil sa kanilang mga ibinigay na impormasyon na nagresulta sa pagkakadakip ng mga taong sangkot sa ilegal na droga.

Personal na ibinigay ni PDEA Director General Arturo Cacdac Jr. ang pabuya sa mga impormante kasabay ng ika-11 anibersaryo ng ahensya sa kanilang opisina sa Quezon City.

Kabilang ang mga impormante sa programa ng ahensya na "Operation: Private Eye" (OPE) at sa pagbibigay ng pabuya ay nais nilang hikayatin ang publiko na magbigay ng impormasyon tungkol sa mga tulak ng droga.

Nakilala lamang ang mga impormante sa alyas na Bogart, Dagul, Miami, Ambong, Storm, Mustang, Black Mail, Master at Unico.

"OPE aims to counter fear and apathy as hindrances to active participation of the citizenry in reporting illegal drug activities by ensuring anonymity of the informant and the confidentiality of the information. We required the informants to wear ski masks during the awarding ceremony to hide their real identity," sabi ni Cacdac.

Si Miami ang may pinakamalaking natanggap na nagkakahalaga ng P1.5 milyon dahil sa impormasyon na nagresulta sa pagkakadakip ng tatlong Tsinong tulak ng droga sa Binondo Maynila.

Umabot sa 34.5 kilo ng shabu ang nasabat sa buy-bust operation nitong Hunyo 18.

Dahil sa OPE ay 13 katao ang nadakip ng PDEA at umabot sa 47.7 kilo ng shabu, 124 kilo ng marijuana bricks at binhi, 17,776 halaman ng marijuana at 33,800 marijuana seedlings ang kanilang nakumpiska.
 

Show comments