MANILA, Philippines – Umapela si dating Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Augusto Syjuco kay Pangulong Benigno Aquino III na bigyan siya ng pagkakataon upang magkausap sila ng personal para makapagpaliwanag sa isyung pangungurakot sa ahensya.
Sa isang panayam sa telebisyon ay nagpaliwanag si Syjuco at pinabulaanan ang mga pambabatikos na natanggap niya mula kay Aquino sa ikaapat niyang State of the Nation Address nitong Lunes sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
Ayon kay Syjuco, na itinalaga ng nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, tapos na ang kanyang termino nang bilhin ang mga maanomalyang kagamitan sa pagluluto.
Ipinagmalaki ni Aquino ang pagsasampa ng kaso kay Syjuco sa Ombudsman matapos bumili ng dough cutter sa halagang P48,507 at P15,375 na incubator jar.
“Pinapanagot na po natin ang dating namumuno ng TESDA dahil sangkot siya sa katakut-takot na tongpats sa ahensya,†banggit ni Aquino sa isang oras at 43 minuto niyang talumpati.
“Ang isang incubator jar, nagkakahalaga ng 149 pesos. Pero kay Ginoong Syjuco ayon sa mga datos 15,375 pesos. Ang normal na presyo ng dough cutter, 120 pesos. Ang presyo kay Ginoong Syjuco: 48,507 pesos. Linawin po natin, dough cutter ito, at hindi Hamilton Class Cutter. Baka nga po kapag hinarap na niya ang kasong isinampa ng Ombudsman, matuto nang magbilang itong si Ginoong Syjuco,†dagdag ng Pangulo.
Sinabi pa ni Syjuco na ilang beses na niyang gustong makausap ang Pangulo ngunit hindi siya nabibigyan ng pagkakataon.
Samantala, naniniwala ang kasalukuyang pinuno ng TESDA na si Joel Villanueva na matibay ang kanilang ebidensya laban kay Syjuco.
Sinabi ni Villanueva na kita sa records ng ahensya ang maanomalyang pagbili ng dough cutter at incubator jar.
“Numbers don’t lie,†pahayag ni Villanueva.