MANILA, Philippines - Napuno na ang kartunista at filmmaker na si Carlo J. Caparas sa isa sa mga kritiko niya ngayong Biyernes.
Binatikos ni Caparas ang makata at literary critic na si Virgilio Almario matapos iprotesta ang kanyang pagkilalang National Artist na natanggap mula kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Sinabi ni Caparas sa isang panayam sa telebisyon na naiinggit lamang sa kanya ang National Artist na si Almario.
"Alam mo Almario, Pambansang Alagad ka ng Sining, noong una kitang makita sa PUP, komo napakaraming estudyanteng nagpapapirma sa akin... nasa isang tabi ka na walang lumalapit sa'yo, kita ko na sa mukha mo ang inggit sa akin noong panahon na 'yun eh, na idinadaos mo ngayon," pahayag ni Caparas kay Almario na tumanggap ng ilang Palanca awards.
"Palibhasa siguro alam niyang maliit ang kakayahan niya, ang protesta niya talagang kabi-kabila sa taong may kakayahan. Sinasabi ko nga sa kanya eh, komo, ang kanyang kakayahan napakaliit, yung taong makita niyang may malaking kakayahan, may malaking nagagawa sa sambayanan, kinaiinggitan nila eh, kabilang siya," dagdag ni Caparas na kilalang kartunista bago naging direktor at producer.
Hindi nagpaawat si Caparas at tinira pa ang mga nagawa ni Almario sa industriya.
"Alam mo sa tula mo lang wawalo yata, walang nakababasang Pilipino. Sa tulang ginagawa mo ngayong National Artist ka, hindi mo ba ikinakahiya na hindi mo naiirepresent ang pangalan at mukha mo sa buong bansa?" banggit ni Caparas.
"Maglakad tayo sa daan, sinong nakakakilala sa'yo?" tanong niya.
Sinagot si Almario at sinabing hindi nasusukat sa kasikatan ang pagiging national artist.
Nilinaw ng makata na hindi niya kinukuwestiyon ang mga larangang napili ni Caparas ngunit ang ipinoprotesta nila ay ang paggawad sa kanya ng naturang pagkilala.
Aniya kung sila ang papapiliin ay uunahin nila sa listahan sa pagiging dalubhasang kartunista ay sina Mars Ravelo, Francisco Coching, Tony Velasquez, at Larry Alcala.
Noong 2009 ay kinilala ni Arroyo sina Caparas, theater group founder Cecile Alvarez, Architect Francisco Manosa, at fashion designer Pitoy Moreno bilang mga national artist.
Nitong Martes ay kinatigan ng Korte Suprema ang 38-pahinang petisyon ng mga National Artist na sina Virgilio Almario, Napoleon Abueva, Benedicto Cabrera, Bienvenido Lumbera, at Arturo Luz na kinukuwestiyon ang presidential proclamation. Natapos ang botohan sa 12-1-2 (yes-absent-abstain).
Kaugnay na balita: Nat'l artist awards kay Caparas, 3 pa binawi
Inihain ng mga national artist ang petisyon noong 2009 kung saan sinabi nilang “grave abuse of discretion" at "disregarding the rigorous process for screening and selection of National Artists in substituting her own choice for those of the National Artist experts panel" ang paggawad ni Arroyo ng national artist award sa apat.
Kaungay na balita: Caparas malungkot pero tanggap ang desisyon ng SC