Caparas malungkot pero tanggap ang desisyon ng SC
MANILA, Philippines – Malungkot man ay tanggap na rin ni Direk Carlo J. Caparas ang desisyon ng Korte Suprema na bawiin ang pagkilalang National Artist ​for Film and Visual Arts na ibinigay sa kanya ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Inamin ni Caparas na nalungkot siya sa desisyon ng hukuman, pero aniya’y wala siyang magagawa rito.
"Nandoon yung kalungkutan pero sabi ko nga, naging matatag na ako sa maraming panahon at sa kabila ng mga problema, sa kabila ng iba't ibang damdaming emosyonal, nagagawa ko pa ring pagandahin ang aking trabaho," pahayag ni Caparas sa isang panayam sa radyo.
Kaugnay na balita: Nat'l artist awards kay Caparas, 3 pa binawi
"Kumikilala ako ng batas. Sino ako para kuwestyunin ang hatol ng Korte Suprema?" dagdag ni Caparas na kartunista rin.
Ayaw naman isipin ni Caparas na biktima siya ng pamumulitika bagkus ay sinabi na lamang sa sarili na hindi talaga para sa sakanya ang pagkilala.
"Ayokong paniwalaan at ayokong paglaanan ng isip na 'I was caught in a political cross fire' kasi baka nga sumama ang loob natin o makapagsalita tayo ng hindi maganda," banggit niya.
Kahit tila hinagupit ng bagyo si Caparas ay nananatili ang direktor na positibo sa buhay at nangakong pag-iigihan pa ang kanyang trabaho.
"Gusto kong ipangako sa lahat ng nakikinig at nanonood ngayon na hinding-hindi ko pa rin bibiguin ang hinahanap nila sa akin at hinihintay lalo na sa aking trabaho," ani Caparas.
- Latest
- Trending