MANILA, Philippines - Dalawang beses lumapag sa kalupaan ang bagyong "Isang" ngayong Miyerkules ng umaga, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sinabi ni weather forecaster Alvin Pura na unang tumama ang pang-siyam na bagyo ngayong taon sa Estagno Point, Isabela bandang alas-4 ng umaga at bandang 5:10 ng umaga naman sa Lallo, Cagayan.
Dagdag ni Pura na inaasahang lalalag pa ito sa Batanes.
Namataan ng PAGASA ang bagyong Isang sa 50 kilometro silangan hilaga-silangan ng Appari, Cagayan bandang ala-7 ng umaga.
May lakas ang bagyo na 55 kilometers per hour (kph) habang gumagalaw ito pa-hilaga-kanluran sa bilis na 15 kph.
Nakataas ang signal no.1 sa 14 na probinsya sa Hilagang Luzon: Aurora, Quirino, Isabela, Ifugao, Mt. Province, Abra, Kalinga, Apayao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Cagayan, Calayan, Babuyan Group of Islands and Batanes Group of Islands.
Palalakasin ni Isang ang hanging habagat na magdadala ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may pagkulog at pagkidlat sa Metro Manila, natitirang bahagi ng Luzon at Western Visayas.
Tinatayang nasa 160 kilometro kanluran ng Basco, Batanes ang bagyo bukas ng umaga at 380 km hilaga-kanluran ng parehong lugar sa Biyernes.