Pagmimina, pagtotroso sa Mindanao talamak pa rin

MANILA, Philippines – Malawakan at talamak pa rin ang pagmimina at pagtotroso sa Mindanao, ayon sa isang grupo ngayong Lunes.

Sinabi ni Panalipdan Mindanao secretary general Sister Estella Matutina na patuloy pa rin ang pagbibigay permiso ng mga alkalde sa mga foreign mining companies. Aniya, umabot na sa 397 mining operations ang nalagdaan nitong Abril lamang.

"Well kami po dito sa Mindanao ay patuloy kami sa aming advocacy sa anti-mining lalo na sa anti-large scale mining at saka lalo na po after ng elections karamihan po sa mga mayors na nanalo ay pabor towards mining at saka dahil po ito ay polisiya ng government," pahayag ng madre sa isang panayam sa radyo istasyon na Radyo Veritas.

"Dito po makikita po natin na talaga pong agresibong isinusulong itong pagmimina at lalo po itong pagmimina na ito ay sa mga dayuhan na po ito. Around 397 mining contracts na naman po ang bagong pinirmahan ng government noong April 2013," dagdag ni Matutina.

Sinabi pa ni Matutina na bukod sa pagmimina ay patuloy pa rin ang pagpuputol ng puno sa Mindanao kahit na nitong Disyembre ng nakaraang taon lamang ay higit isang libo ang nasawi dahil sa matinding pagbaha dala ng bagyong Pablo.

Dagdag ng madre na sa Davao Oriental pa lamang ay mayroong 82,000 hektarya ng lupa ang pinuputulan ng puno.

“Kung pupunta po kayo dito sa Surigao hindi lamang po sa usapin ng mining kundi patuloy din po ang pagla-logging...at hindi pa rin yan na cancel sa kabila ng pananalasa ng bagyong Pablo noon . Dito po sa Surigao ay patuloy pa rin po ang plunder ng environment," ani Matutina.

Show comments