DFA ayaw patulan ang pahayag ng Chinese general

MANILA, Philippines – Ayaw nang patulan ni Department of Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang akusasyon ng isang Chinese military general na isang "troublemaker" ang Pilipinas.

Sinabi ni Raul Hernandez, tagapagsalita ng DFA, sa pulong balitaan na kinausap niya si Del Rosario tungkol sa pahayag ni People's Liberation Army Major General Luo Yuan sa Pilipinas dahil sa patuloy na agawan ng teritoryo.

Kaugnay na balita: Pilipinas tinawag na 'troublemaker' ng Chinese general

"I just talked to the secretary about this and he said, 'This is my response: We refuse to dignify the statement made by the Chinese general'," sabi ni Hernandez.

Sinabi ni Luo na pinalala ng Pilipinas ang sitwasyon nang hingin ang tulong ng "biased" na Estados Unidos sa agawan ng teritoryo sa Spratlys.

"The role of the Philippines in the South China Sea is actually, in my view, a troublemaker," pahayag ni Luo sa kanyang unang panayam sa foreign media.

Kahapon ay inimbitihan ni Del Rosario si China's foreign minister Wang Yi na bumisita ng Pilipinas para pag-usapan ang lahat ng problema ng dalawang bansa.

Samantala, pumayag naman ang China na makipagpulong sa mga Southeast Asian countries sa Setyembre upang maihanda ang pagbalangkas ng Code of Conduct sa pinag-aagawang teritoryo.

Show comments