MANILA, Philippines – Pinatay na ng Ayala Land ang liquefied petroleum gas (LPG) distribution system sa lahat ng gusali ng Serendra sa lungsod ng Taguig kasunod ng pagsabog ng isang condominium unit na posibleng gas leak ang dahilan.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na sinabihan siya ni Ayala Land President Tony Aquino na napagkasunduan ng Serendra Condominium Corporation na isara ang buong LPG distribution system nitong Linggo.
"They have shut down the gas system, at least in the condominiums under their control - the Serendra system... They are doing a complete check of each one so that their own residents, their buyers, their clients, can be sure as to the safety," sabi ni Roxas sa isang panayam sa telebisyon ngayong Lunes ng umaga.
Aniya nakikipagtulungan ang kanyang opisina sa lokal na gobyerno ng Taguig upang silipin ang LPG system.
Nitong Biyernes ay inihayag ni Roxas na malaki ang posibilidad na gas explosion ang nangyari at hindi dahil sa bomba.
Iginigiit ng Ayala Land na ang kanilang centralized LPG pipeline sa Serendra ay ligtas.
"The gas system is supposedly one of the most environmental-friendly systems... The use of LPG is something universal in most of other countries all over the world," pahayag ni Aquino sa isang panayam sa telepono noong nakaraang linggo.
Naganap ang pagsabog noong Mayo 31 sa unit 501-B ng Two Serendra kung saan tumalsik ang pader nito ang bumagsak sa isang delivery van na ikinasawi ng tatlong sakay nito.
Nakilala ang mga biktima na sina Salimar Natividad, nagmamaneho ng van, at dalawang pahinante nito na sina Jeffrey Umali at Marlon Bandiola.
Limang katao pa ang sugatan kabilang ang nakatira sa condominium unit na si Angelito San Juan na hanggang ngayon ay nasa intensive care unit pa rin ng St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City.