MANILA, Philippines - Magpapakalat ng maraming pulis ang Philippine National Police (PNP) sa loob at labas ng mga paaralan para sa seguridad ng mga estudyante na dadagsana na sa pasukan sa Hunyo.
Sinabi ng PNP na ang pagpapakalat ng mga pulis ay may basbas at sa pakikipagtulungan ng mga opisyal ng mga paaralan.
Nakipag-ugnayan na ang PNP sa Department of Education, Commission on Higher Education, at mga lokal na pamahalaan para sa seguridad sa iba't ibang paaralan sa Metro Manila kung saan may malaking bilang ng mga mag-aaral ang inaasahang dadagsa sa Hunyo.
Dagdag ng PNP na babantayan din nila ang paliparan, pantalan, mga business establishments at areas of convergence upang masiguro ang kaligtasan ng mga babalik ng Maynila mula sa iba't ibang probinsya.
Inutusan ni PNP chief Director General Alan Purisima ang lahat ng police regional offices na bumuo ng grupo na magsasagawa ng mobile at foot patrols sa lahat ng pangunahing kalsada patungo sa mga paaralan.
Pinaalalahan din ni Purisima ang publiko, lalo na ang nga estudyante na maging maingat sa pagbiyahe patungo at pauwi ng eskwelahab.
"We also would like to warn the public, especially the students to be more vigilant while going to school particularly on public utility jeepneys, bus, and trains where criminals could take advantage," sabi ni Purisima.
"Commuters should be mindful and secure their belongings at all times. In addition, parents should always keep their eyes on their children while going and leaving school premises," dagdag ng pinuno ng PNP.
Magkakaroon din ng Police Assistance Desks malapit sa mga pangunahing paaralan at clustered schools sa buong bansa sa pakikipagtulungan ng pamunuan ng bawat paaralan at ng mga opisyal ng barangay.
Ipatitigil din ng PNP ang operasyon ng mga computer shop at bilyaran na malapit sa mga paaralan.