Mga negosyante sa Taiwan nais na matigil ang gulo
MANILA, Philippines - Sinusubukang plantsahin ng mga negosyanteng Taiwanese ang gusot sa pagitan ng kanilang bansa at ng Pilipinas, ayon sa isang opisyal ng Manila Economic and Cultural Office ngayong Martes.
Sinabi ni MECO chairperson Amadeo Perez na ilang maimpluwensyang negosyante sa Taiwan ang sinusubukang pumagitna sa iringan ng dalawang bansa at nais ng mga ito na bawiin ang economic sanctions sa Pilipinas.
"The owners of the factories, mga businessmen who have influence on their government...are appealing to the Taiwanese goverment to resolve the problem," pahayag ni Perez sa isang panayam sa radyo.
Dagdag ni Perez na umaaray na rin ang mga negosyanteng Taiwanese sa problema ng dalawang bansa dahil naaapektuhan ang kanilang negosyo.
"Gusto nilang tumulong kasi nakikita nila ang sitwasyon," sabi ni Perez na karamihan sa manggawa ng Taiwan ay Pilipino.
Sinabi pa ni Perez na patuloy silang nakikipag-usap sa Taiwan upang maresolba ang isyu.
Aniya humupa na ang tensyon sa Taiwan matapos ang insidente ng pagkakabaril sa isang mangingisda nila malapit sa Batanes.
"Kumalma na dahil we made an official complaint...umakto naman gobryerno nila...because we have not cut communication with the Ministry of Foreign Affairs," sabi ni Perez.
- Latest
- Trending