Sulu police chief sibak dahil sa magulong halalan

MANILA, Philippines – Sinibak sa puwesto ang isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa Sulu dahil sa kapalpakan nitong makontrol ang karahasan sa probinsya noong araw ng halalan.

Inianunsyo ni PNP chief Director General Alan Purisima ngayong Huwebes ang pagsibak kay kay Sulu Police Provincial director Senior Superintendent Antonio Freyra.

Sinabi ni Purisima na natanggal sa puwesto si Freyra dahil bigo siyang makontrol ang sitwasyon sa probinsya noong araw ng halalan.

"Hindi (na nya) makontrol ang mga tao," pahayag ni Purisima sa assessment briefing sa Camp Crame sa lungsod ng Quezon City na dinaluhan ng mga matataas na opisyal ng PNP at ng mga mamamahayag.

Hanggang nitong Huwebes, may mga ulat na patuloy ang labanan sa pagitan ng grupo nina Mayor Wahid Sahidulla at Abdulla Alih sa Tongkil Island.

Pansamantalang ipinalit sa puwesto ni Purisima si Senior Superintendent Roberto Kuinisala bilang officer-in-charge sa Sulu provincial police office.

Nitong Lunes ay nagkaroon ng ilang insidenteng may kinalaman sa eleksyon, kabilang ang engkwentro ng magkaribal na angkan kung saan apat ang nasawi at marami ang sugatan.

Show comments