Mangudadatu pa rin sa Maguindanao

MANILA, Philippines – Mananatiling gobernador ng Maguindanao si Esmael Mangudadatu matapos pataubin ang karibal na si Hadji Tucao Mastura sa kakatapos lamang na eleksyon.

Ipinroklama nitong Miyerkules ng gabi si Mangudadatu gayundin ang runningmate niya na si Lester Sinsuat bilang bise gobernador.

Sa huling tala 4 ng hapon nitong Miyerkules ay nakakuha na si Mangudadatu ng 180,756 na boto mula sa 33 bayan ng probinsiya habang ang kanyang katunggali na si Mastura ay may 86,651 lamang.

Ito ang ikalawang termino ni Mangudadatu na tumakbo sa ilalim ng Liberal Party kasama si Sinsuat, habang dala ng tambalang Mastura at Ali Mintimbang ang bandera ng United Nationalist Alliance.

Muling iginiit ni Mangudadatu ang kanyang kagustuhan na makipag-ayos kay Mastura matapos ang kanyang proklamasyon sa Shariff Kabunsuan auditorium.

Samantala, naiulat ng www.mindanews.com kahapon na magpaplanong maghayin ng protesta ang kampo ni Mastura upang kuwestiyunin ang pagkapanalo ni Mangudadatu.

Sinabi ni Maguindanao Vice-Gov. Dustin Mastura, na natalo sa Regional Assembly ng ARMM, na maghahayin sila ng protesta sa Commission on Elections.

Wagi rin naman ang dalawang kapatid ni Mangudadatu na sina Khadafy at Zajid bilang assemblyman sa ARMM at pagkakongresista sa ikalawang distrito ng Maguindanao, ayon sa pagkakasunod.

Nanaig din naman ang re-electionist na si Bai Sandra Sema para sa unang distrito ng probinsya.

Show comments