MANILA, Philippines - Hihilingin ng poll watchdog na Kontra Data sa Korte Suprema ngayong Biyernes na bilangin ang mga hindi tinanggap na balota ng precinct count optical scan machines sa Lunes, Mayo 13.
Sinabi ni Atty. Melchor Magdamo mg Kontra Daya na dapat ay ilagay sa hiwalay na kahon ang mga rejected ballots upang maisama sa bilang.
"Sana 'yung mga ni-reject na balota huwag itapon...kasi mga boto rin naman 'yun," hiling ni Magdamo sa isang panayam sa radyo.
Dagdag ni Magdamo na may limang pagkakataon lamang ang isang botante na maisubo sa PCOS machines ang balota upang mabasa.
"Hindi yan try and try until you succeed," sabi ni Magdamo na magiging rejected na ang balota kung hindi nito mabasa sa panlimang pagkakataon.
Nanawagan din si Magdamo sa publiko na pumunta ng maaga sa mga presinto upang makaboto agad at hindi maapektuhan kung maubusan ng baterya ang PCOS machines.
"Sana bumoto ng maaga kasi ang closing ay 7p.m...mabilis mag drain 'yung baterya ng PCOS machines...ang baterya hindi totoong 12 hours 'yun, kaya 'yung backup dapat dumating na," paalala ni Magdamo.