MANILA, Philippines – Narekober na ng mga awtoridad ang bangkay ng limang kataong nasawi matapos magbuga ng abo o mag-phreatic eruption ang bulkang Mayon nitong Martes.
Kinumpirma ni Albay Governor Joey Salceda sa isang panayam sa telebisyon na nakuha na ang mga bangkay ng tatlong German nationals, isang Espanyol na nakatira sa Germany at isang Pinoy na tour guide ng grupo.
"Our people have achieved the goal of the quickest recovery of the casualties of this very unfortunate incident," pahayag ni Salceda.
Dagdag niya na nawawala pa rin ang katawan ng isang Thai national na kasama ng mga biktimang tumungo ng bulkan.
Kinilala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang nasawing tour guide na si Jerome Berin.
Samantala, walong katao pa ang sugatan, kabilang ang apat pang Thai national, habang dalawang katao ang hindi nasaktan.
Nitong Martes ng umaga ay nag-alburoto ang bulkang Mayon at bumuga ito ng abo na ilang daang metro ang inabot mula sa tuktok nito.
Iniutos na ni Salceda ang pagbabawal na publiko na lumapit sa 6-kilometer permanent danger zone ng Mayon.