MANILA, Philippines - Labing-isang kandidatosa pagka-senador ng Team PNoy ang pasok sa "Magic 12" ng mock poll ng Philstar.com, isang linggo bago ang mismong araw ng halalan.
Nangunguna sa mock poll, base sa mga resulta nito ng tanghali ng Lunes, si Ramon Magsaysay Jr. (16,735 votes) at sinundan nina Loren Legarda (14,355 votes) at Alan Cayetano (14,203 votes).
Pasok sa pang-apat at panglima na mga puwesto sina Grace Poe (13,997 votes) at Bam Aquino (13,811 votes)
Nasa Magic 12 din sina Risa Hontiveros, Antonio Trillanes IV, Sonny Angara, Jamby Madrigal, Chiz Escudero, Ed Hagedorn, at Cynthia Villar.
Sa mga nakapasok sa Magic 12, tanging si Hagedorn ang hindi miyembro ng Team PNoy. si Hagedorn ay isang independent candidate.
Base sa mga resulta ng mock poll ng Philstar.com nitong tanghali ng Lunes, umabot na sa 39,878 ang bumuboto.
Sa rules ng naturang mock poll, hindi maaaring bumoto ng dalawang beses ang isang tao. Hinihingian ng pangalan, kaarawan, tirahan, kasarian at email address ang mga gustong bumoto.
Sa mga nakaboto na, 24,832 ang lalaki at 15,046 ang mga babae. Pumapalo naman sa 12,695 ang mga bumoto na may mga edad mula 18 hanggang 24 anyos at 11,719 naman ay may mga edad mula 25 hanggang 34 anyos.
Karamihan o 24,123 na mga botante ng mock poll ay taga-Metro Manila at ang iba ay bumoto online mula sa mga bansa ng Canada, Italy, South Australia, Singapore, Spain, South Korea, Switzerland, Netherlands, United Arab Emirates, United States of America, at Vietnam.
Ang mock poll ng Philstar.com ay mananatiling online hanggang Mayo 13.