Sundalo patay, 1 pa sugatan sa kidlat sa Zamboanga
MANILA, Philippines - Utas ang isang sundalo, habang malubhang sugatan ang isa pa matapos tamaan ng kidlat habang naka-duty nitong Huwebes ng umaga sa Tungawan, Zamboanga Sibugay.
Nakilala ng mga pulis ang nasawing si Private First Class Tumarong at ang sugatang si Private First Class Jemar Destrajo na kapwa mulada 6th Special Forces Battalion.
Sinabi ni Chief Inspector Ariel Huesca, tagapagsalita ng Zamboanga Peninsula Police Regional Office, tinamaan ng kidlat ang dalawa habang nakaposte sa sitio DK, Barangay Libertad bandang 7 ng umaga nitong Huwebes.
Kaagad isinugod ang dalawang biktima sa Ipil Provincial Hospital ngunit hindi na umabot ng buhay si Tumarong. Nagtamo naman ng matinding pagkalapnos ng balat sa katawan si Destrajo, ngunit idineklarang ligtas na siya sa kapahamakan.
Nitong Miyerkules ng hapon ay isang mangingisda naman ang namatay nang tinamaan din ng kidlat ang sinasakyan niyang bangkang pangisda sa karagatan ng Basilan.
- Latest
- Trending