Mancao: Hindi ako susuko
MANILA, Philippines – Pangambang papatayin siya sa Manila City Jail ang dahilan kung bakit sumuko si dating police superintendent Cezar Mancao mula sa kustodya ng National Bureau of Investigation nitong Huwebes ng madaling araw.
"Isang bala lang tayo...kung sungkitin tayo ng kwarentay singko diyan, wala na...sana kung irerewind natin," pahayag ni Mancao sa panayam sa isang radyo.
Dahi mahal pa ni Mancao ang kanyang buhay, hindi aniya siya susuko sa NBI.
Si Mancao ang testigo sa pagpatay kay Salvador ‘Bubby’ Dacer at sa tsuper nitong si Emmanuel Corbito noong 2000.
Iginiit niya na kahit nakakulong siya at may kinakaharap na kaso ay siya pa rin ang prosecution witness sa double murder case na ngayon ay nakabinbin sa isang korte sa Maynila.
"Ako ang witness, ako pa ang kinukulong, ako pa ang ginigipit," daing ni Mancao at sinabing pati ang hukom na may hawak ng kaso ay naimpluwensyahan na rin ng kanyang mga kalaban.
Iniutos ng korte na ilipat si Mancao mula sa NBI detention facility sa Manila City Jail.
Nakatakdang ilipat si Mancao sa city jail ngayong Huwebes.
Samantala, ipinagtanggol ni Mancao ang mga guwardiya sa NBI detention facility na nasisisi dahil sa kanyang pagtakas.
"Iyong mga gwardyang nandyan, hindi nila alam ang ginawa ko...Huwag na silang idamay," sabi ni Mancao.
- Latest
- Trending