MANILA, Philippines – Sa bisperas ng araw ng mga manggagawa, inanunsyo ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong Martes na hindi siya pabor sa Security of Tenure bill at naniniwala siyang lalabag siya sa batas kapag sinertipikahan niya ito na "urgent."
"Tungkol sa mungkahing i-certify as urgent ang Security of Tenure Bill: Una po, labag po ito sa pagkakaintindi natin sa batas, dahil ang maaari ko lamang agad na sertipikahan ay ang mga panukalang tumutugon sa public calamity o kaya ay emergency," sabi ng Pangulo.
"Pangalawa, taliwas ito sa agenda nating magdagdag ng trabaho, dahil habang may 1.8 milyong manggagawa ang makikinabang, mayroon namang tinatayang sampung milyong Pilipino ang mawawalan ng trabaho," dagdag ni Aquino.
Pero sinabi ng Pangulo na bukas siya sa pag-amyenda ng panukala upang ito’y maging kapaki-pakinabang sa mga negosyante at mga manggagawa.
Isinulong ni Trade Union Congress of the Philippines party-list Rep. Democrito Mendoza ang panukala na layung amyendahan ang ilang probisyon sa Labor Code.
"Bukas ang isip natin sa pag-amyenda ng panukala, dahil mulat tayo sa mabuting intensyon nito. Kaya naman inaapura na natin ang Tripartite Industrial Peace Council na pag-aralan ang tunay na sitwasyon at hikayatin ang ibang sektor na makilahok tungo sa solusyon nito,"sabi pa ni Aquino.
Aniya naglaan na siya ng higit P180 milyon sa mga Department of Labor and Employment upang kumuha ng mga karagdagang tao na magsisiguro na walang empleyadong naaabuso.
"Inaasahan nating pagdating ng Oktubre, makakatulong na sila sa paghuli sa sinumang umaabuso sa ating mga batas paggawa," sabi ni Aquino.
Sa isyu ng tumataas na bilang ng pagbibigay ng tax exemptions ng mga employer, sinabi ng Pangulo na maaapektuhan nito ang pangongolekta ng kita ng gobyerno at madadamay ang mga proyekto nila.
"Kapag ginawa natin ito, P2.74 billion ang mababawas sa kinakalap na buwis. Ang katumbas po nito: mahigit tatlong libong silid-aralan, o mahigit labing isang libong kabahayan. Makatwiran bang ilagay po natin sa alanganin ang edukasyon ng mga kabataan? Ipagkakait ba natin ang mga proyektong pabahay para sa mga maralita?," sabi ni Aquino.
Iminungkahi rin ng Pangulo ang pag amyenda sa Social Security System Pension Scheme upang mabawasan ang ‘unfunded liability’ ng SSS na umabot na sa P1.1 trilyon noong 2011.
"Isipin po ninyo: mula 1980, dalawampu’t isang beses nagkaroon ng across-the-board pension increase, pero ilang beses po bang tumaas ang contribution rate? Sa panahon pong iyon, dalawang beses lang po. Samakatuwid, hugot tayo nang hugot ng sobra-sobrang pera, subalit wala namang inilalagay sa bulsa. Bangkarote po ang bagsak natin, at iyan na nga mismo ang problema ng SSS," puna ng Pangulo.
Nanawagan din ang Pangulo sa mga empleyor at manggagawa na ipagdiwang ang Labor Day bukas bilang Good Job Day.
"Hindi po ba mas maganda kung, imbes na tratuhin ang Labor Day bilang araw ng alitan, ituring natin ito bilang selebrasyon—isang araw na masayang nagdiriwang ang mga manggagawa at mga negosyante dahil sa matagumpay at produktibong taon; isang araw na kinikilala natin ang sipag ng bawat empleyado, at kung gaano kalaking biyaya ang magkaroon ng isang trabahong marangal at bumubuhay sa pamilya mo?
"Mula ngayon, sana ay ituring natin ang Labor Day bilang Good Job Day. Marami tayong positibong nagawa, at nangyari ito, hindi dahil sa mga reklamo o pagbabatuhang-sisi, kundi dahil sa nagtulungan tayo. Tama na po sana ang negatibismo. Panahon na para batiin natin ang isa’t isa ng 'good job,’†mungkahi ni Aquino.