MANILA, Philippines - Aabot sa 200 pamilya ang apektado sa sunog na lumamon sa may 100 barung-barong sa isang squatters' area sa Quezon City nitong Martes ng umaga.
Nagsimula ang sunog bandang 9:25 ng umaga sa Sitio Militar, Barangay Bahay Toro, Project 8.
Umabot sa Task Force Bravo ang alarma ng sunog bago ito naapula ng mga bombero.
Ayon kay Superintendent Jesus Fernandez, hepe ng Quezon City fire deparment, aabot sa P2.5 milyon ang halaga ng mga ari-arian na natupok ng apoy.
May tatlo ring residente ang nasugatan sa kasagsagan ng sunog, dagdag ni Fernandez.
Hindi pa tiyak ng mga bombero ang pinagsimulan ng apoy.