MANILA, Philippines – Pitong kandidato sa pagkasenador ng Team Pnoy ang iniendorso ng alyansa ng mga grupong pabor sa Reproductive Health (RH) Law ngayong Martes.
Sa isang pulong balitaan, inianunsyo ng "The Purple Ribbon for RH Movement" ang pagsuporta nito sa kandidatura nina Risa Hontiveros, Sonny Anagara, Grace Poe, Alan Cayetano, Loren Legarda, Chiz Escudero at Bam Aquino.
"We have faith that if elected, these candidates would ensure the Law's implementation and would not put personal interests before the good of the citizens," pahayag ng dating Health secretary Esperanza Cabral na siyang pinuno ng grupo.
Dagdag ni Cabral nagkaisa sila sa pagpili sa mga senatorial candidates matapos ang magkakasunod na konsultasyon. Aniya, sinala ang mga ito sa pamamagitan ng mataas na pamantayan.
Naniniwala ang grupo na ang isang kandidato na suportado ng Purple vote ay sinusuportahan ang RH Law, may magandang posisyon sa mga isyu ng lipunan, at may integridad sa paglilingkod sa bayan.
Sinagot naman ng grupo kung bakit wala silang inedorso mula sa United Nationalist Alliance (UNA), at sinabi ni Cabral na kontra ang mga kandidato mula sa nasabing koalisyon sa RH Law.
Pero nilinaw din ni Cabral na mag-eendorso sila ng iba pang kandidato sa mga susunod na araw.
Umaasa naman si Cabral na susuportahan ng mga botante ang kanilang inendorso na senatorial bets.
Inilunsad ngayong taon ang Purple Vote campaign upang himukin ang mga Pilipino na iboto ang mga kandidatong sumusuporta sa RH Law.
"The Purple Vote is a plea to use the right to vote to guarantee the rights and freedoms which the RH Law fulfills and protects," sabi ni Cabral.